Kagandahan ng Pag-iisa
Di nakikita ng matang puno ng imahe ng mundong ito ang mga katangian ng Kabilang Buhay.
Di nasisilayan ng matang puno ng katangian ng Kabilang Buhay ang Kagandahan ng Banal na Pag-iisa.
-Sheikh Ansari (1006-1088)- Kashf al-Asrar
Bukas ang simula ng Ramadan, ang panahon kung kailan ako nagbibigay pasasalamat sa mga kaibigan kong Muslim: ang mga kapwa kong manunulat na sina Samira at Peach; ang kaklase kong si Aquil; at ang kaibigan kong taga-Brunei na si Istiq.
Si Istiq ang nag-imbita sa amin ni Ting na siya namang taga-Malaysia (katabi ko sa larawan) na dalawin ang mosking Niujie ng Beijing: pagkatapos naming hugasan ang aming mga paa, pinayagan kaming makapasok at magdasal sa sari-sarili naming Diyos.
Malamang ngayong Ramadan din lalabas ang hatol ng Kataastaasang Hukuman tungkol sa kasunduang dapat sanang pipirmahan ng Pamahalaan at ng MILF. Mahalagang maisulong ang prosesong pangkapayapaan upang patuloy na umunlad ang ating bayan: sa kaso ng MILF, pangunahing hakbang ang pagtuklas kung sino at ilang mga taga-Mindanao ang kinakatawan nito.
Sa panahon ngayon, kasaganahan ang aanihin ng mga bansang may koneksyon sa lalong malaking pamilihan: ito ang dahilan ng kasaganahan ng mga estado ng U.S., mga miyembro ng E.U., at maging ng Singapore, na kung ihahambing sa ating lupain ay mas maunlad bagamat kay liit at kulang sa likas na yaman.
Mahirap nang makamit ang koneksyong ito ng mga bansang napapaligiran ng dagat; lalo pang tumitindi ang hamon kapag may kaguluhang nangyayari sa loob ng teritoryo nito. Bagkus tulad ng pagkakaibigan ng dalawang tao, napapadali ang relasyon ng mga bansa kapag kapwa silang payapa't may tiwala sa isa't isa.
Sa aking paglalakbay, natuklasan kong ang bawat bansa'y mayroong brand o tatak sa isipan ng mga taong nakakarinig sa pangalan nito. Wasto man o hindi, ang mga pananaw na bumubuo sa tatak ng isang bansa ay naka-aapekto sa pagtitiwala ng mga kalapit-bayan at sa desisyon nilang makipagkalakal sa mga naninirahan dito.
Ang magagandang aspeto ng tatak Pilipino ay ang ating talino, magandang pagtanggap sa panauhin, at kaaya-ayang mga baybay-dagat; ang kumakaila namang mga katangian nito ay ang laganap na kahirapan, suhulan sa ilang opisina ng pamahalaan, at kawalan ng kapayapaan. Ang pagtamo ng kapayapaan sa Mindanao ay isang malaking hakbang upang sumagana ang buhay ng bawat Pilipino, Muslim man o hindi. Maiaangat nito ang reputasyon ng pangalang Pilipino sa pandaigdigang pamilihan.
Higit pa sa kahalagahan ng pagkakaroon ng Pilipinas ng marangal na pangalan ang kaligtasan ng ating mga kababayan, lalo na yaong mga nakatira sa Mindanao. Dahil dito, sana'y maiwasto ang anumang pagkukulang ng naantalang proseso't kasunduan, masangguni ng mga partido ang mga pamayanang maaapektuhan, at maisulong ang kapayapaan at pagkakaisang nakabatay sa katiwasayan at paggalang sa karapatang pantao.
Matagal na ang tunggaliang ito- ngunit sa kabutihang palad umiikli ang mga daang kailangan pa nating tahakin.
Subscribe Free
Add to my Page
Salamat kay Ryan Cayabyab sa kantang "Kyrie" mula sa album na Misa.