Twittering Machine

Sunday, March 23, 2008

bagong daigdig

Isa sa mga biyayang tinanggap ko ngayong taon ang oportunidad na matutunan ang Nihongo o wikang Hapon. Ang mga banyagang wika para sa akin ang pinakamahirap na pag-aralan, kaya naman sa bawat bagong salitang aking natututunan, nararamdaman ko ang saya ng muling pagkabuhay: siguro, ganito ang naramdaman nating lahat nang nag-uumpisa pa lamang tayong gumamit ng wika upang intindihin ang mundo.

Noon, mahilig akong manood ng Voltes V- minsan mayroon itong ipinapakitang alpabetong tila ibang-iba sa nakakagawian ko. Sa larawan sa itaas, makikita ang dalawang paraan ng pagsulat ng "Ang kaarawan ko ay sa ika-9 ng Mayo." Pulos alpabetong Hiragana ang gamit sa unang pangungusap; may kahalo na itong alpabetong Kanji sa ikalawa. May ikatlo pang alpabeto ang mga Hapon, ang Katakana, na ginagamit para sa mga salitang hango sa mga banyagang wika, tulad ng kama (beddo) at kape (kohi).

May kaibigan akong Pranses na nagsabing tila salamin ang pag-aaral ng banyagang wika't kultura: pinapalinaw nito ang iba't ibang aspeto ng ating sariling kalinangan. Halimbawa, sa aking pag-aaral ng Nihongo, napalalim ang aking pagkakaintindi sa mga wikang Pilipino. Tulad ng mga Hapon, ang ating mga sinaunang baybayin ay isang syllabary, kung saan bawat letra ay kumakatawan sa isang kumpletong syllable. Kapag nilagyan ng kudlit o markang diacritical, tulad ng tuldok o maliit na linya, ang itaas o ibaba ng isang letra, nagbabago ang tunog nito. Huli, madaling gamitin ang alpabetong Romano (o roomaji sa Nihongo) sa pagbabaybay ng wikang Hapon at Pilipino- sa kaso ng Pilipino, ang alpabetong Romano na nga ang lagi nating ginagamit. Subalit kung ang Nihongo ay pinaunlad ng mga monghe at may kapangyarihan sa bansang Hapon, mga ordinaryong tao ang nagpalaganap sa baybayin: ayon kay Padre Chirino sa pagdating nilang mga Kastila, halos lahat ng mga Pilipino noon- babae't lalaki- ang gumagamit ng baybayin.

No comments: