Payo sa Kagandahan
Para sa kaakit-akit na mga labi, gumamit ng mga salita ng kabaitan.
Para sa kaibig-ibig na mga mata, hanapin ang kabutihan ng mga tao.
Para sa maayos na pangangatawan, hatian ng iyong pagkain ang mga nagugutom.
Para sa magandang buhok, hayaan mong haplusin ito ng bata araw-araw.
Para sa postura, maglakad nang may kaalamang di ka naglalakad nang nag-iisa.
Ang mga tao, higit sa mga bagay, ay kailangang muling palakasin, baguhin, buhayin, kupkupin, at tubusin; huwag itapon ang sinuman.
Tandaan, kapag kailangan mo ng kamay na tutulong sa iyo, makikita ito sa dulo ng iyong braso.
Habang tumatanda, matutuklasan mong dalawa ang iyong kamay, isa upang tulungan ang sarili, isa upang bigyang kalinga ang iba.
Ang kagandahan ay wala sa pananamit, hugis ng katawan, o ayos ng buhok. Kailangang makita ang kagandahan sa mga mata, dahil ito ang daanang papasok sa puso, kung saan nakatira ang pag-ibig.
Ang kagandahan ay wala sa nunal sa mukha, bagkus nasasalamin ang tunay na kagandahan sa kaluluwa. Ito ay nasa pag-aarugang binibigay, matinding damdaming ipinapakita, at lalo lamang lumiliwanag ang kagandahan sa paglipas ng mga taon.
Hango ito sa tula ni Sam Levenson (1911-1980), "Time Tested Beauty Tips," na paborito ni Audrey Hepburn. Si Hepburn ay isang artistang ipinanganak sa Belgium, lumaki sa Netherlands, at nagtrabaho sa Estados Unidos. Binasa niya ito kina Sean at Luca, ang kanyang mga anak, noong huling Pasko bago siya sumakabilang-buhay sa Switzerland noong 1993. Inihahandog ko ang aking salin kay Coral, ang batang anak ng isang regular na bisita ng Café Voltaire. Gawa ang pampalamuting titik na may lakambini sa itaas ng Pranses na si Napoléon Landais.